Message to the Graduates
Mr. Mike Alon
Doctor of Humanities, Honoris Causa
28 March 2016
Bismillaher rahmaner Raheem…
Maraming salamat sa pagkakataong binigay ninyo sa akin upang tumayo sa inyong harapan at makapagbigay ng mensahe sa ating mga magsisipagtapos na magsisilbing binhi upang makamit natin ang kapayapaan.
Kapayapaan na hanggang ngayon ay tila mailap na makamit sanhi ng mga nasirang relasyon dulot ng mga pangyayari sa nakaraan. Bawat isa ay may masasakit na karanasan dulot ng karahasan na nagiging sanhi ng iba’t ibang biases. Ako mismo ay may sariling biases and prejudices dulot ng karahasan na naging sanhi ng pagkamatay ng aking ina noong taong 1974. Sinunog ang aming bahay at mga kagamitan at inangkin ang aming lupain ng mga Kristyano. Isa sa mga sumunog ay ang aking kaklase na noo’y tinuring kong kaibigan. Maraming Moro ang pinahirapan ng mga Kristiyanong military kasama na roon ang may sakit kong ina na naging dulot ng kanyang kasawian.
Bago ang pangyayaring ‘yon, marami akong mga kaibigang Kristyano at maganda ang aming samahan. Subalit ang magandang relasyon ay napalitan ng pagkamuhi at pagnanais na makapaghiganti. Kaya napabilang ako sa rebeldeng grupo sa pagnanais na makapaghiganti at makamit ang katarungan para sa aking ina at iba pang Moro na nakaranas ng pagpapahirap mula sa mga military.
Subalit dumating ang panahon na kailangan kong mamili, kung ang kabutihan ng aking pamilya o ang paghahangad na makapaghiganti. Taong 1982 nang mapagpasyahan kong tumiwalag sa grupo at pagtuunan ang aking pamilya. Sa panahong ito, nahihirapan pa rin akong makihalubilo sa mga Kristyano dahil sa pangamba na mauulit muli ang mga nangyari sa nakaraan.
Lahat ng ito ay sinikap kung malampasan. Sinubukan kong pag-aralan at intindihin ang relihiyong Kristyano. Pinili kong buksan ang aking pananaw. Malaking bahagi din ng aking pagbabago sa pananaw ang pagkakakilala at pagiging matalik naming magkaibigan ni Fr. Bert Layson.
Maraming mga proseso akong pinag-daanan bago ako naging Peace Advocate. Subalit isa sa pinakamahalagang bagay na dapat matutunan ng bawat isa ay ang pananalig sa Diyos (Allah), respeto at tiwala.
Kung may pananalig tayo sa Diyos at sumusunod sa kanyang utos, di tayo maliligaw ng landas. Mahalaga din ang pagrespeto sa kapwa anuman ang pinanggalingan nya, kultura, pananaw at relihiyon. Mahalaga din na magkaroon tayo ng tiwala sa kapwa natin upang makamit natin ang kapayapaan.
Dahil dito, masasabi kong napagtagumpayan kong makamit ang kapayapaan sa aking sarili. Sapagkat imposibleng maging peace advocate kung wala tayong kapayapaan sa ating sarili.
Dahil sa pagtutulungan namin ni Fr. Bert, kasama ng ibang mga NGOs at line agencies, may mga komunidad na nadeklarang Zone of Peace kung saan mapayapa at mahusay na namumuhay ang mga Kristyano, Moro at IP.
Para saan itong paglalahad ko ng aking karanasan? Ito ay upang hikayatin ang bawat isa sa atin, lalo na sa mga panahong ito, na sana’y bawat isa ay maghangad ng kapayapaan. Bawat isa ay may sari-sariling mapapait na karanasan dulot ng karahasan, subalit huwag nating hayaan na ito ang magtakda ng ating kinabukasan. Ang pagbabago at pag unlad ay hindi natin makakamit kung walang kapayapaan.
Hindi lingid sa ating kaalaman ang mga kasalukuyang nagaganap na nagiging balakid sa matagal na nating hinahangad na kapayapaan.
Nawa’y bawat isa ay magkaroon ng respeto, tiwala at mas lalong patatagin ang tiwala sa Diyos. Maging bukas sana ang ating pananaw at huwag tayong manghusga dahil lamang sa kanyang pinanggalingan, kultura o relihiyon.
Kaya sa mga magsisipagtapos at sa lahat ng mga nandirito ngayon, huwag tayong magpadala sa bugso ng ating emosyon na maaring maging dahilan ng pagsiklab ng karahasan sapagkat lahat tayo ay biktima at walang nananalo sa marahas na pamamaraan.
Batid kong lahat tayo ay gustong mamuhay ng mapayapa at tahimik at may maunlad na pamayanan kung kaya’t alisin natin ang bagaheng daladala natin, ang mga biases, prejudices at discrimination sa iba’t ibang tribo. Tayo ay magkaisa sa pasulong at pagsuporta sa matagal nang minimithi ng Bangsamoro na magkaroon ng tunay na kapayapaan sa Mindanao para sa ating lahat.
Maraming Salamat.